Sa ating pagdiriwang ng Ika-122 Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas, kaisa ng Department of Trade and Industry (DTI) ang sambayanang Pilipino sa pag-alala sa tapang at malasakit ng ating mga bayani. Sa gitna ng krisis na ating kinakaharap, nararapat lamang na pahalagahan din natin ang mga sakripisyo ng bawat healthcare worker, frontliner, at manggagawa na araw-araw bumabangon at nagsisikap upang panatilihing ligtas ang ating mga pamayanan.

Sa kabila ng mga pagsubok na dala ng pandemyang ito, nais nating mabigyan ng kasiguruhan ang ating mga kababayan na sa muli nilang pagbabalik sa trabaho, ating inuuna ang kanilang kapakanan at kaligtasan.

Ang pagpapatupad ng mga patakaran sa renta at presyo ng mga bilihin, pati na rin ang pangangasiwa ng loans para sa mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) ay iilan lamang sa mga ginagawa ng pamahalaan upang maibsan ang pasanin ng ating mga kapwa Pilipino.

Lubos ding pinaghahandaan ng DTI ang dahan-dahang pagbubukas ng ating ekonomiya upang maibalik ang mga trabaho at kabuhayan ng ating mga mamamayan sa maingat at mahinahon na pamamaraan. Ating sinisiguro ang kanilang kaligtasan sa pamamagitan ng paggawa ng mga alituntunin o minimum health protocols sa mga kumpanya at negosyo, nang sa gayon ay matiyak natin ang balanse na pagprotekta sa buhay at hanapbuhay ng bawat Pilipino.

Nawa’y patuloy tayong makiisa sa mga adhikain ng pamahalaan tungo sa pagbuo ng isang ligtas, matatag, at masaganang kinabukasan para sa lahat.

Maligayang Araw ng Kasarinlan at mabuhay po tayong lahat!


Watch Secretary Ramon M. Lopez’ independence day message for the international business community here.

Date of Release: 12 June 2020