#DTIMalasakit Story from DTI-Region 3 (Bulacan)
Walang hindi nakakakilala sa Longganisang Calumpit bilang paboritong pasalubong kapag nadadayo sa ibang bayan o sa labas ng Bulacan. Lalong – lalo nang hindi maitatanggi ng marami nang nakatikim at nakakain nito ang hindi maipaliwanag na lasa, sarap at linamnam ng Longganisang Calumpit.
At sa kauna-unahang pagkakataon, pormal nang nakapasok sa pambansang merkado ang produktong ito dahil sa pagiging rehistrado at aprubado ng Food and Drug Administration (FDA) sa pagsusumikap ng isang dating karaniwang tindera ng longganisa sa palengke, si Rosemarie Garcia.
Kung tutuusin, mas maraming naunang nagtinda sa kanya ng longganisa na may katulad din na linamnam. Pero natatangi ang naging ambag ni Rose sa lalong pagtataas ng kalidad sa paggawa ng longganisa. Bilang kauna-unahang FDA-accredited na pagawaan at tindahan ng Longganisang Calumpit, ang Rose Garcia Longganisang Calumpit ay regular nang mabibili sa mga malalaking supermarkets at malls sa Metro Manila at mga pangunahing lungsod sa bansa.
Bagama’t nakatapos sa pag-aaral sa kursong Turismo at panandaliang nakapagtrabaho sa isang five-star hotel, ito sana ang tinatanaw niyang maging simula ng kanyang karera. Ngunit dahil sa mga nakaatang na responsibilidad, hindi nagtuloy-tuloy ang kanyang pagsulong upang maabot ang pangarap sana na maging isang Flight Attendant. Nahinto siya sa pagtatrabaho sa matagal na panahon.
Hanggang isang araw, inalok siya na makapagtinda ng manok sa palengke ng Calumpit. Pagkukwento ni Rosemarie, may nagpahiram sa kanya ng halagang Php 500 at nagtinda siya ng 10 pirasong manok. Hirap na hirap aniya siyang itinda ang 10 pirasong manok dahil hindi ito nauubos sa maghapong pagbabantay sa pwesto sa palengke. Sa kanyang pagkainip sa pwesto, nakikita niya sa ibang nagtitinda na mas mabili sa palengke ng Calumpit ang Longganisa. Doon naisip ni Rosemarie na subukang magtinda rin nito, kaya’t humango siya ng longganisa mula sa mga gumagawa nito.
Noong taong 2010, nakahiram muli siya ng perang puhunan na halagang Php 1,000.00. Sinimulan niyang humango ng 10 kilong giniling at tinimpla niya ito. Nakakaisang taon pa lamang sa pagtitinda ng sariling timplang Longganisang Calumpit, isang mamimili niya ang nanghikayat sa kanya na kumuha ng mga kaukulang permits sa Department of Trade and Industry (DTI).
Nang magkaroon ng business name at maparehistro ito sa DTI noong 2014, ipinasok din sya ng ahensya bilang trainee sa Small and Medium Enterprises Roving Academy o SMERA.
Doon na nagsimulang yumabong ang kanyang hanapbuhay na Longganisang Calumpit. Naging madali sa kanya na magproseso ng iba pang kailangang dokumento. Dahil sa patuloy na paglakas ng kanyang produksiyon bunsod ng dumaraming suki sa palengke, ito naman ang nagbigay daan upang ang kanyang bakuran ay patayuan ng isang manufacturing-processing center noong 2015. Matatagpuan ito ngayon sa likod ng palengke ng barangay.
Taong 2016, sa tulong at gabay ng DTI at ng Negosyo Center, naparehistro niya ang kanyang produkto sa FDA. Ito ang kauna-unahang maglo-longganisa sa Calumpit na mayroon nito. Ayon kay DTI-Bulacan Provincial Director Zorina ‘Rhine’ Aldana, ang pagkakaroon ng FDA ng Rose Garcia Longganisang Calumpit ay nagbukas ng pinto upang makapasok ito sa pambansa at pandaigdigang merkado. Halimbawa na rito ang kanyang pagiging aktibong kalahok sa Sikat Pinoy National Trade Fair, Likha ng Central Luzon at iba pang marketing activities ng DTI.
Isa rin si Rosemarie sa mga nakapagtapos ng Kapatid Mentor Me program ng DTI-Bulacan noong 2017, na nagpalakas pa ng kakayahan bilang isang negosyante.
Hangad ni Rosemarie na maabot ang tagumpay na narating ng Longganisang Vigan at Longganisang Lucban. Aniya, malaki ang laban ng Longganisang Calumpit ng mga Bulakenyo dahil sa timpla nitong at “Lasang hindi mo ipagpapalit!”
“Mayroon akong pangarap para sa Longganisang Calumpit na maging mas lalong stable ang branding nito kapag pumunta ka ng Bulacan, kasamang hahanapin ang Longganisang Calumpit para ring kung paano nakilala ang Longganisang Vigan at sa Lucban,” kwento ni Rosemarie.
Sa ngayon, mabibili ang Rose Garcia Longganisang Calumpit sa mga supermarkets sa Landmark, Trinoma, Unimart at South Supermarket. Sa mga tagumpay na ito, ang dating mentee ng Kapatid Mentor Me ay isa ngayon sa mga tinitingalang negosyanteng nagsisilbing inspirasyon sa iba.
Sa pagdiriwang naman ng ‘Pandaigdigang Buwang ng Kababaihan’, pinagkalooban din siya ngayong taon ng ‘Gawad Medalyang Ginto’, na isang pinakamataas na parangal na ipinagkakaloob ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan sa mga babaeng may natatanging ambag sa bawat sektor.♦
Published in Pilipino Mirror on 31 July 2019.