Ngayong araw ginugunita ang ika-119 taong Kalayaan ng Pilipinas. Sa pag-alaala sa mga bayaning nagbuwis-buhay para sa adhikaing ito, itinalaga ang ika-12 ng Hunyo ng kada taon upang sariwain ang pagkamit sa Kalayaan.

Bagaman 119 taon na ang lumipas, may mga suliranin pa ring umiiral at hangad din nating makalaya sa mga ito—isa rito ang paglaya sa kahirapan, lalo’t higit marami sa mga Pilipino ang nananatili sa laylayan ng lipunan.

Sinusulong ng Kagawaran ng Kalakalan at Industriya (DTI) ang kasaganahan para sa lahat o shared prosperity. Ginagabayan ang layuning ito ng 10-point socioeconomic agenda at Dutertenomics ng Pangulong Rodrigo Duterte. Pakay nitong maramdaman ng karaniwang Pilipino ang pag-unlad ng ekonomiya, resolbahin ang di pagkapantay-pantay at lutasin ang kahirapan.

Mula sa pagpapalakas ng banyagang pamumuhunan sa bansa hanggang sa paglulunsad ng mga programang tutulong sa malawak na sektor ng micro, small and medium enterprises (MSMEs), hangarin ng DTI na lumikha para sa mga Pilipino ng mas maraming oportunidad at lumakas ang abilidad para lahat at umunlad!

Taos-puso kong pinasasalamatan ang mga kawaning bahagi ng gumagandang takbo ng ating ekonomiya, sampu ng mga nasa DTI main office at nasa rehiyon. Kinikilala natin ang inyong sigasig sa pagtatrabaho at pananatiling tapat hindi lamang sa tungkulin, kundi maging sa misyon at mga layunin ng DTI. Sa pag-aalay ninyo ng Serbisyong Higit pa sa Inaasahan, magpapatuloy ang pagyabong ng Pilipinas.

Nakapagtala ang bansa ng isa sa pinakamabilis na growth rate sa Asya sa 6.8%. Ang paglagong ito ay inaasahang magpatuloy sa 6.4% ngayong 2017 hanggang 6.6% sa 2018 ayon sa World Bank. Kasabay ng mga ito ay ang mga inisyatibo upang patuloy na mapaganda ang business climate sa bansa sa pamamagitan ng puspusang pagpapaunlad ng imprastraktura, maiging pamamahala sa ekonomiya
at mabuting pamumuno. Ang mga kasalukuyang reporma sa iba’t ibang industriya ay patuloy ding humihikayat sa mga banyagang mamumuhunan para magnegosyo sa bansa.

Lubos ang pagtitiwala ng mga mamumuhan sa Pilipinas. Ang foreign direct investments ay lumago ng 13% o US$ 689 milyon sa unang buwan ng 2017 mula sa US$ 605 milyon sa parehong buwan ng nakaraang taon. Ang BOI-approved investments naman mula Enero hanggang Abril 2017 ay nagtala ng pag-angat na 31% year-on-year o PhP 154 bilyon para sa unang apat na buwan ng taon. Kasunod nito ang dagdag na 46,018 na bagong trabaho para sa mga Pilipino.

Sa export, nakapagtala rin ang bansa ng 21% paglago mula sa US$ 4.61 bilyon noong Marso 2016 patungo sa US$ 5.58 bilyon noong Marso 2017. May 24% paglago naman sa pag-aangkat o importation ang bansa mula sa US$ 6.36 bilyon noong Marso 2016 patungo sa US$ 7.88 bilyon noong Marso 2017.

Ang Pilipinas ay nasa ika-99 na pwesto sa 190 mga bansang sinukat ng 2016 Doing Business report. Ang pag-akyat ng 49 pwesto mula taong 2011 ang tinatayang pinakamalaking pag-angat sa mga bansang kabilang sa Timog Silangang Asya o ASEAN.

Sa kasalukuyang 488 Negosyo Centers sa bansa, 241 ay naitayo sa ilalim ng panunungkulan ni Pangunong Duterte. Ang mga ito ay nakatulong sa 473,969 MSMEs sa pamamagitan ng pagbibigay ng 645,925 na mga serbisyo. Ang P3 o ang Pondo sa Pagbabago at Pag-asenso (P3) naman ay nag-umpisa nang magbigay ng alternatibong pagkukunan ng kapital para sa mga maliliit na negosyante.

Samantala, kasunod ng pagiging chair at host ng Pilipinas ng ASEAN 2017, isinusulong ng DTI ang inclusive, innovation-led growth. Kasama rito ang pagtataguyod sa kapakanan ng MSMEs sa mga karatig-bayan sa rehiyon.

Sa kabila ng lahat nito, bilang Kalihim ng DTI, mapalad po akong makatrabaho kayong lahat—na pinili ang serbisyo-publiko bilang paraan upang pagsilbihan ang bayan.
Hindi man maihahambing ang inyong serbisyo sa mga ibinuwis na buhay upang matamo ang Kalayaan, ang iniuukol ninyong panahon, talento at kakayahan sa pang-araw-araw bilang kasapi ng DTI ay hindi matutumbasan.

Isang pong karangalan ang magsilbi sa bayan kasama kayo!

Mabuhay kayong lahat! Mabuhay ang Pilipinas!

 

RAMON M. LOPEZ

Kalihim