MAKATI–Sa kabila ng mga ulat na nagkaroon ng paggalaw sa presyo ang ilang produktong pang-noche buena, siniguro ng Department of Trade and Industry (DTI) na magiging matatag ang presyo at suplay ng pasta, pasta sauce, tinapay, at hamon.
Bilang paghahanda sa taunang pagdriwang ng Kapaskuhan, nakikipag-ugnayan ang DTI sa mga negosyante upang bantayan ang galaw ng presyo at suplay ng mga produktong pang-noche buena, ang panahon kung kailan naitatala ang pagtaas ng demand sa mga produkto.
“Mayroong sapat na suplay at matatag ang presyo ng mga bilihin sa merkado dahil na rin sa kompetisyon ng ibat ibang brands na mapagpipilian ng mga mamimili,” lahad ni DTI Secretary Ramon Lopez.
Ayon kay Sec. Lopez, ang kompetisyon sa merkado ay humihimok sa mga negosyo na maging competitive pagdating sa pagbibigay ng mga promo kabilang ang mga diskwento at pagba-bundle ng mga produkto na mabibili sa mas murang halaga katulad ng sa spaghetti sauce at pasta.
“Dito natin nakikita kung paano naglalaro ang kompetisyon sa presyo ng mga produkto sa merkado. Halimbawa, ang pagbaba ng presyo ng hamon ay dahil sa pagkakaroon ng mas maraming kakumpitensiya ng produktong ito sa merkado,” dagdag pa niya.
Kinumpirma rin ng DTI na walang pagtaas ng presyo sa mga produktong pang-noche buena tulad ng pasta, sauces, cheese, ham at canned tuna hanggang Disyembre ng kasalukuyang taon.
Walang pagtaas na naitala sa karamihan ng mga klase ng tinapay sa merkado sa ngayong Oktubre, ngunit may iilang mamahaling uri ng tinapay na nagtaas na ng piso kada yunit.
Hinihikayat din ng ahensya na gamitin ng mga konsyumer ang “e-Presyo”, isang online-based price monitoring system na maaaring maging gabay ng mga mamimili sa pagbili ng mga produkto, kabilang na ang mga pang-noche buena.