Masayang ipagdiriwang noong ika-19 ng Pebrero ang anibersayo ng Konsyumer At Iba Pa (KATBP) na programa ng Department of Trade and Industry – Consumer Protection Group kasama ang ABS-CBN Corporation.

Ang nasabing programa ay tumatalakay sa mga isyung nakakaapekto sa mga konsyumer. Layunin nito na bigyang kaliwanagan at dagdag kaalaman ang mga tagapakinig upang lalo nilang maintindihan ang mga hinaharap na mga konsyumer. Labing-limang taon nang umeere sa radyo at ngayon pati narin sa teleradyo ang nasabing programa.

Ang KATBP ay nakakatulong rin sa pagpapalaganap ng mga adbokasiya ng Consumer Protection Group upang patuloy na maproteksyunan ang kapakanan ng mga mamimili. Hinihikayat nito ang mga tagapakinig na alamin ang kanilang mga karapatan at responsibilidad bilang isang mamimili. Maaari rin silang magpadala ng kanilang mga katanungan at ito ay nabibigyan ng sagot mismo sa oras ng programa.

Sa kasalukuyan, sina DTI-CPG Undersecretary Ruth B. Castelo at Alvin Elchico ang mga tagapagbalita ng naturang programa na mapapanuod tuwing Sabado, 10:30 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali sa DZMM Teleradyo – Skycable Channel, at mapapakinggan naman sa DZMM Radyo Patrol 630.

“Makakaasa ang ating mga konsyumer na patuloy kaming magbibigay ng mga makalubuhang diskusyon upang lalo pang matulungan na magkaroon sila ng mabilis na access sa tamang impormasyon”, pahayag ni Undersecretary Ruth B. Castelo.

Sa pamamagitan ng KATBP, dumarami ang konsyumer na nagkakaroon ng kamalayan tungkol sakanilang mga karapatan. Sa katunayan, tumataas ang bilang ng reklamo ng DTI dahil alam ng mga konsyumer kung saan ito itatawag at ire-report para maresolba.

May mga konsyumer na lumalakas na ang loob na magreklamo lalo na kung alam nila na sila ay naagabriyado at dapat ay mabigyan ng sagot ng seller. Narito ang ilang mga testimonials na natatanggap ng Fair Trade Enforcement Bureau matapos maresolba ang mga reklamo ng konsyumer.

“I would like to thank you for the utmost support that you had extended to me regarding this issue and got my refund, at first I was reluctant to send my complaint because I never believe that someone from the government would care. I am so happy that the government system is really working, rest assured that I will pay it forward by spreading this good deeds and this experience I had.” – Tinaco Junifer
“I would like to express my deepest gratitude and sincere appreciation to FTEB Mediation Officer Beth M. Carsula for her commendable handling of the conference that both Virgin Beach Resort and myself had arrived to an amicable settlement. Again, thank you and best regards.” – Baby O. Pascual

Nitong Sabado, ika-29 ng Pebrero, ginanap ang DZMM Kapamilya Day na kung saan on-ground ang airing ng programang KATBP sa Bagong Ilog Elementary School Pasig City. Ito pa rin ay parte ng pagdiriwang para sa anibersaryo ng nasabing programa. Bago pa magsimula ang programa, nagtayo ng Diskwento Caravan ang DTI na kung saan murang binebenta ang mga produktong basic necessities at prime commodities gaya ng delatang sardinas at karne, Pinoy Tasty, Pinoy Pandesal, kape, sabon, gatas, at iba pa. Mayroon ring handog na medical at dental mission, libreng gupit at masahe ang DZMM.

Sa ginanap na consumer education, lalo naman nadagdagan ang kaalaman ng mga konsyumer ng Bagong Ilog, Pasig City, tungkol sa kanilang mga karapatan at responsibilidad, pagtugon sa mga reklamo at report, at mga produktong dapat ay mayroong Philippine Standard o Import Commodity Clearance Mark.

Samantala, para parin sa pagdiriwang ng anibersaryo ng KATBP, mayroon “i-Share Mo, Story Mo!” contest ang DTI na kung saan ay magsusumite si konsyumer ng kanyang istorya na sinasalaysay ang kanyang karanasan kung paano niya naipraktis ang kanyang karapatan o responsibilad bilang isang mamimili. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa contest, i-like lamang ang Konsyumer Atbp page sa Facebook. Hanapin ang “Konsyumer Atbp Dzmm Teleradyo”.♦

Date of Release: 4 March 2020