KUMAIN Logo

“Ang KUMAIN webinar series ay kabilang sa mga interbensyon na nakikita ng Task Force sa pagsasaayos ng mga hakbang ng national government agencies at matiyak ang pakikipagtulungan ng iba’t ibang mga stakeholder sa pagpapatupad ng feeding programs at iba pang programa na nakapasailalim sa koordinasyong ito ng ating partner agencies.”

Ito ang pahayag ni Cabinet Secretary Karlo Nograles sa ilang mga panayam sa radyo nitong mga nakaraang araw kaugnay sa ilalatag na KUMAIN Webinar Series ng Task Force on Zero Hunger kung saan siya rin ang mangunguna sa paglulunsad nito ngayong ika-16 ng Setyembre ng taong kasalukuyan.

Ang Kasapatan at Ugnayan ng Mamamayan sa Akmang Pagkain At Nutrisyon o KUMAIN webinar series na ilulunsad bukas ay dadaluhan nina Usec. Blesilda Lantayona ng Department of Trade and Industry, ED Azucena Dayanghirang ng National Nutrition Council, Mr. Jaypy De Juan ng Food and Nutrition Research Institute – Department of Science and Technology, Dir. Jerry Clavesillas ng DTI, Mr. Rocky Doctor ng Nutridense Food Manufacturing Corporation, gayundin ng iba pang kinatawan ng mga kasaping ahensiya ng Task Force tulad ng DSWD, DOH, DepED, at mga stakeholders.

Pangunahing layunin ng webinar series ay upang mahikayat na lumahok o makisali ang iba pang stakeholders tulad ng Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs), local government units (LGUs), private sectors / mga pribadong kumpanya, civil society organizations, at mga State Universities and Colleges (SUCs) para maging katuwang natin sa pagsupil ng kagutuman sa bansa alinsunod sa SDG Goal No. 2.

“Dahil sa limitadong bilang ng mga technology adaptors sa kasalukuyan, napagpasyahan ng IATF-Zero Hunger na dagdagan ang promotional activities na naglalayong ipakilala o ipabatid ang paggamit ng mga food products and technologies sa mas nakararaming stakeholders hangga’t maaari,” paliwanag ng Kalihim ng Gabinete.

Inaasahan umano na ang pinalakas na mga pagkilos ng pagtutulungan ng iba’t ibang stakeholders ng Zero Hunger sa pamamagitan ng paglikha ng mga bagong estratihiya at diskarte na tutugon sa kagutuman gaya ng sumusunod: 1) madagdagan ang kaalaman ng mga target na kalahok sa adhikain ng IATF-Zero Hunger, at ang banner program nito na Enhance Partnership Against Hunger and Poverty (EPAHP); 2) paghusayin ang kaalaman tungkol sa mga food and nutrition implementer sa bagong inilunsad na teknolohiya ng DOST-FNRI tungkol sa food fortification na maaaring humantong sa posibilidad na magkaroon ng mas maraming technology adaptors sa ibaba; at, 3) matukoy ang mga pilot areas para sa linkage ng EPAHP at FNRI adaptors sa mga ahensya at kompanyang kasama sa  mga programang First 1000 days programs, Supplementary Feeding Program and School-Based Feeding program sa buong bansa.”

“Ikinukonsidera natin ito, kasama ang layunin nang paglalagay ng mga pundasyon para sa isang mas malusog at mas malakas na mamamayan. Kailangan nating paigtingin ang pakikipagtuwang at higit pang pagyamanin ang mas malakas na pakikipagtulungan upang matugunan ang mga hamon sa kagutuman na nararanasan sa malalayong bayan at mga kanayunan,” dagdag pa ng opisyal ng Palasyo. Isang Modified Open Forum din ang gagawin upang mapabilis ang pagtatanong kung saan ang mga ahensya ay maaaring sumang-ayon sa posibleng ihahaing mga katanungan. At sa dakong huli ng bawat webinar, magkakaroon ng ceremonial Signing of a Manifesto ang mga partner agencies at participants kaugnay sa pagtugon ng mga ito para wakasan ang kagutuman sa bansa. ♦

Date of Release: 16 September 2020